Nagsimula na kaninang alas 9:00 ng umaga ang contact tracing ng Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Department Of Health (DOH) sa mga pasahero na nakasalamuha ng 2 indibidwal na nagpositibo sa Novel Coronavirus (nCoV).
Ito ay matapos na iutos ng DOH sa PNP na dapat na maaccount ang 331 na mga pasahero ng eroplano na nakasabay ng dalawa sa loob ng 48 hours.
Ayon kay PNP CIDG Director Major General Joel Napoleon Coronel na mayroon na silang contact numbers ng mga pasahero at maging address ng mga ito.
Nanggaling aniya ang impormasyon ng mga pasahero sa DOH na ibinigay sa kanila ng airlines.
Tatlong flights aniya ang tutukan sa contact tracing ito ay ang flight Hongkong to Cebu, Cebu to Dumaguete at Dumaguete to Manila.
Sakali namang hindi matapos ang contact tracing sa loob ng 48 hours na palugit ay itutuloy lamang nila ito.
Sa bilang na 331 karamihan ay mga foreign nationals, 50 na rito ang natawagan na ng PNP at CIDG.
Nilinaw naman ni Coronel na walang mangyayaring pag-aresto sa halip kakausapin lamang ang mga pasahero para matukoy kung may sintomas ng nCoV ng sa ganun madala agad sila ng mga taga DOH sa ospital.