Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang contact tracing ng pamahalaang Lungsod ng Santiago sa iba pang mga naging close contact ng apat (4) na bagong nagpositibo sa COVID-19 na naitala sa Lungsod noong July 7, 2020.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer ng Santiago City, pawang mga trabahador ng isang supermarket ang apat na nagpositibo sa COVID-19 na galing sa iba’t-ibang probinsya at sila ay pawang mga asymptomatic.
Ibinahagi nito na bilang bahagi sa ipinapatupad na protocol ng pamahalaang Lungsod ng Santiago, lahat ng mga papasok sa Lungsod ng Santiago ay kinakailangang dumaan muna sa rapid o PCR test.
Napansin aniya na biglang dumami ang mga manggagawa sa supermarket na hindi naman dumaan sa pagsusuri kaya’t minabuti ni City Mayor Joseph Tan na isailalim lahat sa swab test ang mga nagtatrabaho sa kumpanya upang masuri kung ligtas sa virus.
Nasa 176 ang isinailalim sa swab test at 4 dito ang nagpositibo.
Isinailalim naman sa lockdown ang area ng kanilang pinagtatrabahuang supermarket.
Mayroon na rin 12 na empleyado ng supermarket ang kinuhanan ng swab specimen sample upang masuri para sa COVID-19 at inaasahan na dadami pa ang bilang ng dadaan sa swabbing.
Binalaan naman ng alkalde ang mga manggaggawa ng supermarket na tatangging magpasailalim sa swab test.
Ayon pa kay Dr. Manalo, pinahihigpitan na aniya ang pagbabantay at pagmonitor sa mga pumapasok sa Lungsod dahil mayroon umanong mga nakalulusot na patagong umuuwi at hindi dumadaan sa tamang proseso.
Sa kasalukuyan ay tanging ang apat na bagong kaso ng COVID-19 ang active cases sa Lungsod ng Santiago habang gumaling na rin sa sakit ang 7 na naunang naitala sa Lungsod.