Convicted rapist-murderer Sanchez, dapat bigyan ng second chance – Bato

Sinabi ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Senador Ronald “Bato” dela Rosa na karapat-dapat bigyan ng pangalawang pagkakataon ang convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez.

Kaugnay ito ng balitang posibleng makalaya ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na ikinulong matapos ang panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, at pagpatay kay Alan Gomez, kapwa mga estudyante ng University of the Philippines Los Baños.

“[If] it is determined by the Board of Pardons and Parole that he deserves that commutation, then why not? He deserves a second chance in life,” ani Senador sa isang panayam sa ANC.


Ayon pa kay dela Rosa, noong siya pa ang BuCor chief, wala umano siyang natatanggap na reklamo laban sa dating mayor.

Iginiit ng senador na “nagbago” na si Sanchez sa loob ng New Bilibid Prison, ayon na rin daw sa mga opisyal.

“According to corrections officers, nagbait na daw. In fact, nakikita nila na nagpapalda na nga daw. So changed man na talaga siya. Changed man. Bumait na. Hindi na siga,” aniya.

Isa si Sanchez sa higit 10,000 preso na maaaring makinabang sa Republic Act No. 10592 na nagdagdag ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na ibinigay sa mga bilanggo.

Gayunpaman, maraming duda kung karapat-dapat nga bang mapasama si Sanchez na nahulihan ng P1.5 milyong halaga ng shabu na itinago sa likod ng imahen ng Blessed Virgin Mary sa kanyang selda noong 2010.

Habang noong 2015 naman ay kinumpiska sa dating mayor ang isang airconditioner at flat-screen TV.

Taong 1995 nang hatulan si Sanchez ng pitong patong ng reclusion perpetua.

Matapos gahasain ni Sanchez si Sarmenta, ibinigay umano ng mayor ang biktima sa mga guwardya na nagsalitan sa panghahalay.

Binugbog naman ng mga guwardiya si Gomez bago barilin.

Facebook Comments