
Hindi pumayag ang Court of Appeals (CA) na makapagpiyansa ang anim na akusado sa kasong abduction at serious illegal detention ng mga nawawalang sabungero noong 2022 na unang ibinigay ng mababang korte.
Sa 18 pahinang desisyon, kinatigan ng CA Third division ang petition for certiorari ng prosekusyon dahil nakagawa ng grave abuse of discretion ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 40 matapos pagkalooban ng piyansa ang mga akusado.
Una nang iniutos ng mababang Korte ang pansamantalang paglaya ng mga akusado na sina Julie Patidongan, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacion, Virgilio Bayog, at Gleer Codilla noong December 2023 sa halaga tig-P3 milyon.
Kaya’t dahil dito, hiniling ng prosekusyon ang muling pag-aresto sa mga suspek.
Sinabi ng CA na malakas ang mga ebidensya na ang mga akusado ang dumukot sa mga biktima.
Iginiit ng CA na nagkamali ang trial court nang sabihin na hindi napagkaitan ng kalayaan ang mga biktima dahil lamang sa boluntaryong pagsama sa mga respondent.