COVID-19 antivirals, dapat ilagay na sa mga ospital

Inirekomenda ni Iloilo Rep. Janette Garin sa Departmet of Health (DOH) na mag-preposition na ng mga antivirals sa mga ospital bilang paghahanda sa mga moderate at severe cases ng COVID-19.

Ang mungkahi ni Garin ay kasunud ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing optional ang pagsusuot ng face mask sa mga open at hindi crowded na lugar.

Ayon kay Garin hindi maitatanggi na mayroon nang pandemic fatigue ang mga Pinoy kaya marami ang pabor na maging boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask.


Gayunpaman iginiit ni Garin na ang tuluyang pagluwag sa polisiya ay dapat may kaakibat na paghahanda lalo na sa oras na tumaas ang COVID cases.

Isa si Garin sa mga pabor sa optional mask policy subalit dapat aniya itong ipatupad kapag nasa 70 porsiyento na ng target population ang nakatanggap ng booster shots laban sa COVID 19.

Para kay Garin na epektibo ang mask sa pagpapababa ng virus transmission.

Tinukoy ni Garin, ang isinagawang pag-aaral ng Microbiology Department ng University of Hong Kong na nailatha sa Clinical Infectious Diseases Medical Journal na nagpapakitang bumababa ng hanggang 75% ang coronavirus’ transmission rate sa pamamagitan ng respiratory droplets o airborne particles kapag nakasuot ng face masks.

Sabi ni Garin, lumabas din sa pag-aaral na ang mga nakasuot ng mask na nagkaroon ng infection ay kakaunti lamang ang virus sa kanilang katawan kumpara sa nakakuha ng sakit na walang mask.

Facebook Comments