COVID-19 cases sa bansa,707 na; Sen. Koko Pimentel, lumabag sa quarantine protocol ayon kay Sec. Duque

Kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na umaabot na sa 707 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ito ay matapos madagdagan ngayong araw as of 4pm ng panibagong 71 na kaso.

Nadagdag naman ng pito ang bilang ng mga nasawi na umakyat na sa 45.


Dalawa naman ang panibagong naka-recover na umaabot na sa 28.

Ayon kay Duque, asahan pa ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga susunod na araw dahil mas marami na silang nate-test na mga pasyente.

Kaugnay naman ng pagtungo ni Sen. Koko Pimentel sa Makati Medical Center kahit na may COVID-19 symptoms, sinabi ni Duque na nilabag ni Pimentel ang quarantine protocol.

Itinanggi naman ni Duque na tumawag siya sa Makati Medical Center para makiusap na i-admit ang asawa ni Pimentel sa kabila nang nag-anunsyo na ang ospital na hindi na muna ito tatanggap ng COVID-19 patients at PUIs.

Pinabulaanan din ng kalihim na nabibigyan ng VIP treatment sa COVID-19 testing ang mga pulitiko.

Aniya, mahigpit nilang pinaiiral sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang “first in, first out policy” sa pagproseso ng COVID-19 test,

Muli namang pina-alalahanan ni Duque ang publiko na manatili sa loob ng tahanan, palakasin ang resistensya, panatilihin ang social distancing at iwasan ang paninigarilyo.

Facebook Comments