Pumalo na sa 7,156 ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 sa Central Visayas o Region 7.
Batay sa tala ng Regional Health Office ng Department of Health, mula sa nasabing bilang 4,139 dito ang active cases habang nakapagtala ng 259 new infections.
Nasa 2,789 naman ang recoveries at 228 ang nasawi.
Ang Central Visayas ay binubuo ng probinsya ng Cebu, Bohol, Siquijor at Negros Oriental.
Sa 7,156 na confirmed cases sa rehiyon, mahigit sa kalahati nito ay naitala sa Cebu City.
Simula kahapon, nakapagtala ng 70 new cases ang Cebu City dahilan upang umakyat na sa 4,607 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay Cebu City Mayor Edgardo Labella, marami sa naitalang kaso sa kanilang lungsod ay mula sa squatters area.
Nabatid na 300 na kaso ang naitala sa illegal settlements sa Barangay Mambaling habang 200 cases naman sa Barangay Luz.
Aminado ang alkalde na mahirap ipatupad ang health protocols dito dahil sa siksikan ang mga residente sa mga nasabing barangay.