Hindi man tutol, pero nababahala si Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na makaapekto sa focus para sa isinusulong na Charter Change (Cha-Cha) ang COVID-19 pandemic at ang 2022 presidential elections.
Sa pagdinig pa rin ng Committee on Constitutional Amendments sa pag-amyenda sa economic provisions, sinabi ni Lopez na wala silang objection o anumang pagtutol sa pagbusisi ng Kamara sa economic provisions ng Konstitusyon na layong tanggalin ang mga hadlang sa pagpasok ng foreign direct investments sa bansa.
Pero, nababahala ang kalihim na maaaring kapusin sa panahon at maapektuhan ang pag-usad ng economic Cha-Cha bunsod na rin ng mga hamon na dala ng pandemya at ang nalalapit na halalan sa 2022.
Magkagayunman, ipinauubaya ni Lopez sa mga mambabatas ang “wisdom” sa usapin ng Cha-Cha.
Katulad ni Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez ay sang-ayon din si Lopez na agad isabatas ang iba pang panukala na magbibigay kaluwagan din sa economic restrictions tulad ng Retail Trade Liberalization Act at New Public Service Act.
Bagama’t bukas si Dominguez sa economic Cha-Cha, tutol naman ito sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa lupa ng bansa.