COVID-19 Patient sa Isabela, Nagpakamatay; Tatlong Anak, Positibo sa Virus

Cauayan City, Isabela-Natagpuan sa bakanteng lote ang wala ng buhay na katawan ng 39-anyos na lalaki na residente ng Barangay Mambabanga at isang COVID-19 patient na umano’y tumakas sa isolation facility sa bayan ng Luna, Isabela.

Sa naging panayam ng *iFM Cauayan* kay Mayor Jaime Atayde, depresyon ang posibleng nagtulak sa biktima para magbigti makaraang magpositibo ito sa virus.

Inatasan rin ni Atayde ang mga health authorities na tingnan mabuti ang kalagayan ng mga pasyenteng tinamaan ng virus upang maiwasang mauwi sa pagpapatiwakal.


Lumalabas naman sa imbestigasyon ng Luna Police Station, natagpuang nakabigti ang katawan ng biktima sa isang puno gamit ang lubid na posibleng Nakita nya lang sa mismong pinangyarihan ng insidente.

Nabatid na pagkaraang tumakas ng pasyente ay nagawa pa nitong umuwi sa kanilang tahanan subalit hindi pinayagang makapasok ng kanyang misis dahil sa takot na mahawaan ang kanyang mga anak.

Kaugnay nito, pinatitiyak rin ng alkalde na tutukan ang psychological situation ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na nasa mga isolation facility.

Samantala, nagpositibo naman sa COVID-19 ang tatlong anak ng nasawing pasyente kabilang ang 1-taong gulang.

Facebook Comments