COVID-19 positivity rate sa NCR, bumaba pa sa 7.6%

Patuloy ang pagbaba ng COVID-19 positivity rate sa National Capital Region.

Sa interview ng RMN Manila, sianbi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na bahagyang bumaba sa 7.6% ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 testing kumpara sa 7.8% na naitala noong November 7.

Aniya, karamihan sa mga probinsya ay pababa na ang positivity rate maliban sa ilang lugar sa Cordillera Administrative Region, Cagayan, Isabela, at Cebu.


Mapapansin naman ang bahagyang pagtaas ng naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa pero ayon kay David, posibleng dahil ito sa mababang reporting ng mga kaso noong Undas kung saan sarado ang karamihan ng mga testing center.

Para kay David, mas maganda ang COVID-19 situation ng bansa ngayong taon.

Simula kasi noong Enero, hindi napuno ang mga ospital kahit nagkaroon ng surge ng Omicron hindi kagaya noong kasagsagan ng Delta surge noong 2021.

Malaking tulong dito ang pagbabakuna at patuloy na pagsunod ng publiko sa mga health protocols.

Katunayan, sa isinagawa niyang Twitter survey, lumabas na mayorya o 85% pa rin ng mga Pilipino ang nagsusuot ng face mask kahit niluwagan na ito ng gobyerno.

Maglalabas ang OCTA ng targeted survey hinggil dito sa darating na linggo.

Facebook Comments