Tatlong araw bago ang pasko, mas nauna nang sumipa ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kaysa sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon.
Ito ang kinumpirma ng OCTA Research Group matapos na umakyat sa 461,505 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, batay sa latest update ng Department of Health kahapon, Dec. 21, 2020.
Ayon sa OCTA Research, mula sa 1.06 noong nakaraang linggo, sumipa ngayon sa 1.15 ang antas ng reproduction rate o ang bilang ng tao sa isang populasyon na nahahawa sa virus sa National Capital Region at patuloy pa rin itong tumataas.
Kaya pinaalalahanan ng grupo ang publiko na mahigpit pa rin sundin ang mga ipinapatupad na minimum health standards ngayong holiday season.
Bukod sa Metro Manila, binabantayan din ang Rizal, Bulacan, Isabela, Leyte, Pangasinan, South Cotabato, at Negros Oriental na may pagtaas ng kaso ng COVID-19.