COVID-19 testing capacity ng bansa, nag-improve ngayong ECQ ayon sa NTF

Malaki ang naitalang improvement sa COVID-19 testing capacity ng bansa sa gitna nang pagsailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng Metro Manila.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni National Task Force (NTF) Deputy Chief Implementer at Testing Czar Secretary Vince Dizon na bago pa man ang ECQ sa National Capital Region (NCR) o bago pa man maitala ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa ay nag-a-average lamang sa 40, 000 ang test na nagagawa sa bansa kada araw.

Nitong mga nakalipas na linggo ay umaabot na sa 60,000 test ang nagagawa ng gobyerno.


Katunayan, pumalo pa nga ito sa 67, 000.

Sa kabila nito, sinabi ni Secretary Dizon na hindi pa rin sila kuntento sa bilang na ito at patuloy pang palalakasin ang testing capacity ng bansa.

Makikipag-ugnayan aniya sila sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang bumilis ang reimbursement ng COVID-19 testing fee ng mga laboratoryo, lalo na sa mga lugar na nakakaranas ng pagsipa ng kaso ng COVID-19.

Sa ganitong paraan aniya, mapapalakas pa ang resources ng mga laboratoryo, para sa gastusin ng mga ito at upang mapabilis rin ang pagsasagawa ng mga COVID-19 test.

Facebook Comments