Cauayan City, Isabela- Inaasahang magbubukas na sa susunod na Linggo ang kauna-unahang COVID-19 testing facility sa Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, tinatapos na ang pag-aayos at paglalagay sa mga gagamiting makina na mula sa Department of Health (DOH).
Ayon sa kanya, mas mabilis na ang paglabas at pagkuha ng resulta ng mga sasailalim sa swab test at hindi na kinakailangang ipadala sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) o sa Baguio General Hospital and Medical Center.
Mayroon na rin aniyang biniling generator ang pamahalaang panlungsod ng Ilagan upang magtuloy-tuloy pa rin ang operasyon nito sakaling magkaroon ng power interruption.
Kaugnay nito, mas marami nang Ilagueño ang masusuri sa COVID-19 dahil sa nalalapit na operasyon ng bagong swab testing facility ng Lungsod.