COVID-19 vaccination plan ng lokal na pamahalaan ng Maynila, kasado na

Inihayag ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na kasado na ang kanilang COVID-19 vaccination plan.

Ito’y sa oras na makakuha ng mga bakuna na aprubado at rehistrado ng gobyerno.

Kaugnay nito, inilabas na rin ang listahan ng mga sektor sa Lungsod ng Maynila na unang mababakunahan alinsunod sa guidelines ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Prayoridad na mabakunahan ang mga medical frontliners at healthcare workers sa mga pampubliko at pribadong mga ospital at clinic.

Kasama rin dito ang mga Barangay Health Workers at mga manggagawa sa lahat ng health centers sa siyudad kung saan mababakunahan rin ang iba pang mga empleyado sa mga nasabing pasilidad.

Kasamang mabibigyan ng bakuna ang mga senior citizens at ang lahat ng mga public school teachers sa lungsod.

Kasunod nito, magiging prayoridad rin ang mga nagparehistro sa www.manilacovid19vaccine.com kung kaya’t hinihikayat ang lahat ng mga Manileño na magpalista na.

Pero paalala ng lokal na pamahalaan, boluntaryo ang pagpapabakuna at libre itong ipagkakaloob sa mga residente ng lungsod.

Facebook Comments