Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na nilagdaan na ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang COVID-19 Vaccination Program Act.
Layunin ng panukala na pabilisin ang proseso sa pagbili ng bakuna ng national government, mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pamamagitan ng National Task Force Against COVID-19 at Department of Health.
Pinapahintulutan ng panukala ang mga local government unit na magbigay ng advance payment para sa bibilhing COVID-19 vaccine para sa 50% ng kanilang constituents.
Nakapaloob din sa panukala ang ₱500 million na indemnity fund para sa makakaranas ng matinding adverse effect ng bakuna at pinondohan ito mula sa Contingent Fund na nasa ilalim ng 2021 national budget.
Itinatakda rin ng panukala na gawing exempted sa buwis ang importasyon at distribusyon ng COVID-19 vaccine at mga kailangan nitong kagamitan.
Sa ilalim din ng panukala ay iisyuhan din ng vaccination card ang lahat ng mababakunahan.
Bubuo din ng special task group na kabibilangan ng medical at vaccine expert para i-monitor na mabuti kung may adverse effect o hindi magandang magiging epekto ang bakuna.