Tinatayang nasa 10% hanggang 15% ng mga Pilipino ang nagdadalawang-isip pa rin na magpabakuna kontra COVID-19.
Mas mababa na ito sa 35% vaccine hesitancy na naitala sa mga unang buwan ng pagbabakuna sa bansa.
Sabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega, karamihan sa mga Pilipinong tumatangging magpabakuna ay mayroong “personal belief” na makakasama ito sa kanila.
Habang ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, may ilan din na naiimpluwesyahan ng mga fake news tungkol sa COVID-19 vaccine na nababasa nila sa social media.
Aniya, hindi na nila pipilitin ang mga ayaw talagang magpabakuna sa halip ay tututukang kumbinsihin ang mga indibidwal na nag-iisip pa rin kung magpapabakuna o hindi.
Una nang tiniyak ng ng Department of Health (DOH) na ligtas at epektibo ang mga bakunang ginagamit sa bansa dahil aprubado ito ng Food and Drugs Administration (FDA).
Samantala, dagdag ni Vega, target ng pamahalaan na mabigyan ng kumpletong bakuna ang 65% hanggang 70% ng kabuuang populasyon ng bansa hanggang sa katapusan ng taon.
Sa ngayon, nasa 31 million mga Pilipino na ang fully vaccinated.
Kahapon, nasa 1.2 milyong indidibwal ang nabakunahan sa bansa na pinakamataas na bilang mula nang umpisahan ang national vaccination.