Hindi kasama sa budget ngayong taon ng gobyerno ang pambili ng COVID-19 vaccine para sa menor de edad o wala pang 18 taong gulang na sinasabing kailangan ding bakunahan para maproteksyunan laban sa COVID-19 Delta variant.
Sinabi ito nina Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara gayundin ng vice chairman ng komite na si Senator Panfilo “Ping” Lacson at ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Inaasahan ni Angara na ipaprayoridad ito sa 2022 national budget at kung hindi ay maari namang pag-aralan ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) ang pagkakaroon ng supplemental budget.
Binanggit naman ni Lacson na nag-request ang Department of Health (DOH) ng P25 billion para sa pagbili ng bakuna sa edad 12 hanggang kinse pero hindi kasama ang edad 16 hanggang 17.
Ayon kay Senator Drilon, bukod sa kawalan ng budget sa bakuna para sa menor de edad, ngayong taon ay kapos din ang budget para mabakunahan ang 70 milyong mga pilipino at makamit ang herd immunity.
Dahil dito ay iginiit ni Drilon na gamitin pambili ng bakuna ang mga hindi nagamit na pondo sa ilalim ng 2020 at 2021 at ang salaping nakalaan sa Government Owned and Controlled Corporations.
Inihalimbawa ni Drilon ang nakatenggang mahigit P11 billion sa Philippine International Trading Corporation (PITC) at ang pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).