Umaapela si Barangay Health Wellness (BHW) Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa gobyerno na ilibre sa pagpapataw ng buwis ang lahat ng COVID-19 vaccines.
Sa rekomendasyon ng kongresista, hinihiling nito na gawing tax-free ang lahat ng uri ng COVID-19 vaccines anuman ang bansang pinagmulan nito, manufacturer, at kung ito ay ba ay gagamitin para sa public vaccination program o para sa pampribado.
Nilinaw pa ni Co na kasama sa tax-free na kanyang hinihiling para sa COVID-19 vaccines ang hindi pagpapataw ng VAT, iba pang sales taxes, businesses taxes at local taxes.
Sinabi ni Co na hindi kakailanganin na kumilos at magpasa ang Kongreso ng batas dahil maaari namang suriin ng Department of Finance (DOF) ang COVID-19 vaccines na eligible para sa tax-free status.
Isa pa sa iminungkahi ng lady solon ang paglikha ng programa upang ma-classify ito bilang Bayanihan measure o bilang TRAIN Law social net measure.
Sakali namang hindi ito magawa ng gobyerno ay saka lamang manghihimasok ang Kongreso para ilibre sa buwis ang COVID-19 vaccine.