Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na nakapasa sa Vaccine Experts Panel (VEP) ng pamahalaan ang COVID-19 vaccine ng China na Sinovac.
Sinabi ni FDA Director General at Health Usec. Eric Domingo, bunga nito maaari nang makapagsagawa ng Phase 3 clinical trials sa Pilipinas.
Na-endorso na rin aniya ng VEP ang Sinovac sa FDA.
Gayunman, sinabi ni Domingo na kailangang makapasa rin ang Sinovac sa ethics board dahil hindi maaaring magsimula ang FDA nang walang approval ng board.
Sa oras naman aniya na pumasa ang Sinovac sa ethics board maaari nang makapag-apply ng clearance sa FDA ang manufacturer nito.
Ayon kay Domingo, inaasahan ng FDA na magsusumite na ang Sinovac manufacturer ng aplikasyon sa susunod na linggo.
Idinagdag ni Domingo, posibleng masimulan na ang clinical trials para sa Sinovac sa Nobyembre kung makukumpleto na ang lahat ng kailangan.