Creative strategies ng Korea, dapat nating gayahin sa halip na ipagbawal ang K-drama

Hinikayat ni House Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda ang gobyerno na mamuhunan sa “creatives ecosystem” katulad ng ginawa ng Korea.

Giit ni Salceda, ito ang mainam na hakbang sa halip na ipagbawal ang K-drama sa bansa sa layuning maitutok ang atensyon ng mamamayan sa ating sariling mga pelikula at telenovela.

Ayon kay Salceda, matapos ang Asian Financial Crisis noong 1997 ay nagpasya ang Korea na palakasin ang cultural exports nito para lumaki ang kinikitang dolyar at maibangon ang ekonomiya at sila ay nagtagumpay.


Diin ni Salceda, makabubuting tularan natin ang naturang economic strategies ng Korea pero dapat maging orihinal ang magiging content ng ating pelikula at mga teleserye para tangkilikin ng publiko at maipalabas din sa ibang bansa.

Magugunitang noon pang March 2020 ay isinulong na ni Salceda ang National Economic Recovery Strategy sa ilalim ng inihian niyang House Bill No. 6619.

Nakapaloob sa panukala ni Salceda ang pamumuhunan sa creative industry na tiyak magpapasigla sa ating ekonomiya at pagbangon mula sa pandemya.

Tinukoy ni Salceda na kinakatawan ng creative industry ang 3% ng global GDP, na maaring mapataas sa 10% sa susunod na sampung taon.

Facebook Comments