Cauayan City, Isabela-Tumaas ang bilang ng crime incident sa unang anim (6) na buwan ng taong 2020 kung ikukumpara ito noong nakaraang taon sa buong Lambak ng Cagayan.
Batay sa ulat, nakapagtala ng 6,373 na total crime incidents simula Enero 1 hanggang Hunyo 15, kung saan 48 porsyento ang itinaas kumpara sa 4, 296 noong nakaraang taon.
Ayon sa pahayag ni Regional Director PBGen. Angelito Casimiro, bumaba ng 28 percent ang index crimes habang 147 percent naman ang itinaas ng non-index crimes partikular ang ipinatupad na batas na may kinalaman sa nararanasang krisis dahil sa pandemya.
Nakapagtala din ng 3,696 kumpara sa 1,125 na violation ng special laws noong nagdaang taon habang bumaba ang naitalang vehicular accident.
Batay naman sa naging ulat ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO), nakapagtala ito ng malaking bilang ng paglabag sa special laws.
Inihayag din ni PBGen. Casimiro na ang pagbaba ng index crimes ay dahil sa pinaigting na kampanya ng kapulisan upang mapigilan ang pagsasagawa ng krimen.
Ipinahay din ng opisyal ang kanyang pasasalamat sa lahat ng police frontliners sa kabila ng pagpapatupad ng batas laban sa coronavirus (COVID-19) at ang pagtulong sa iba pang ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang maayos na seguridad sa buong Lambak ng Cagayan.