Crime trend sa bansa, patuloy ang pagbaba – PNP chief

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., na patuloy na bumababa ang crime trend sa bansa sa kabila ng mga sunod-sunod na ulat na lumalabas sa social media patungkol sa pagdukot at pagpatay.

Ayon kay PNP Chief Azurin, ang Peace and Order Indicator o pinagsamang bilang ng mga index at non-index crime cases ay bumaba ng mahigit 45 porsyento sa mga unang buwan ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kumpara sa kahalintulad na panahon noong administrasyon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Habang ang index crime naman na kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, theft, robbery, rape, at car theft ay bumaba rin ng mahigit 72 porsyento sa kasalukuyang administrasyon, kumpara sa nakalipas na administrasyon.


Kasunod nito, pinaalalahanan ng PNP ang publiko na wag maalarma sa mistulang sunod-sunod na ulat ng krimen na na “sensationalized” lamang sa social media.

Pagdidiin pa nito, karamihan sa mga kasong ito ay naaksyunan na ng PNP.

Gayunman, sinabi ni Azurin na magandang development ang paglabas sa social media ng mga insidente ng krimen dahil nakakatulong ito sa pulisya sa magaang pagresolba ng mga kaso.

Facebook Comments