MGA LUMANGRECORDS MULA SA LIMANG DISTRICT HOSPITAL AT IBA PANG PASILIDAD, IDINISPOSE NGLA UNION; HIGIT ₱27K, NALIKOM

Nakalikom ng mahigit ₱27,000 ang Pamahalaang Panlalawigan ng La Union mula sa maayos na pagtatapon ng mahigit 13 toneladang mga lumang dokumento at hindi na nagagamit na X-ray films.

Ayon sa Provincial Government of La Union (PGLU), umabot sa 13,234 kilograms ng mga valueless records at 448 kilograms ng obsolete X-ray films ang isinailalim sa disposal activity mula Oktubre 28 hanggang 30, 2026.

Kabilang sa mga pinagtapunan ng mga naturang dokumento ang mga nakaimbak sa La Union Agkaysa Complex sa Barangay Sevilla, San Fernando City, gayundin ang mga records na nagmula sa limang district hospital sa mga bayan ng Balaoan, Bacnotan, Naguilian, Caba at Rosario.

Nakapagtala naman ang lalawigan ng kabuuang ₱27,639.50 na kita mula sa aktibidad, na ini-remit sa Provincial Treasury Office para sa wastong pagtatala at accounting.

Isinagawa ang disposal activity sa pamamagitan ng Office of the Provincial General Services Officer, katuwang ang National Archives of the Philippines (NAP) at Commission on Audit (COA).

Tiniyak din ng pamahalaang panlalawigan na alinsunod sa Republic Act No. 9470 o National Archives of the Philippines Act of 2007 at iba pang umiiral na regulasyon ang proseso ng pagtatapon ng mga dokumento.

Layunin ng hakbang na mapalakas ang transparency, accountability at maayos na pamamahala sa mga opisyal na records ng pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments