Cauayan City, Isabela- Umarangkada na sa mga piling barangay sa Lalawigan ng Quirino ang tropa ng 86th Infantry Battalion para sa kanilang Community Support Program (CSP).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SSg jake Lopez ng 502nd Infantry ‘Liberator’ Brigade ng 5th Infantry Division, Philippine Army, labing pito (17) na mga barangay mula sa bayan ng Aglipay, Cabarroguis, Maddela at Nagtipunan ang napili na pagsasagawaan ng CSP.
Pormal na isinagawa ang send-off ceremony sa Capitol Gymnasium ng Brgy San Marcos, Cabarroguis, Quirino noong ika-8 ng Hulyo taong kasalukuyan para sa tatlong buwan na immersion sa mga nasabing komunidad.
Ang deployment ng CSP Team sa mga napiling barangay ay bahagi sa Development Support and Security Plan Kapayapaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Magiging tulay aniya ang CSP upang mailapit ang pamahalaan sa mga kanayunan at maipaabot din ng mga mamamayan ang kanilang mga hinaing o problema para masolusyunan din ng gobyerno.
Layon din ng CSP na mapanatili ang kapayapaan, masiguro ang seguridad ng mamamayan, mamintina ang kaayusan at magkaroon ng maayos na ekonomiya at pag-unlad sa bawat isang Pilipino.