Customs broker Mark Taguba, nagbigay umano ng 5 milyong piso sa Davao Group

Manila, Philippines – Sa pagdinig ngayon ng Blue Ribbon Committee ay ibinunyag ng Customs Broker na si Mark Taguba na nagbigay siya ng limang milyong piso bilang enrollment fee sa umanoy Davao Group.

Si Taguba ay broker na sangkot umano sa paglusot sa bansa ng 6.4 billion pesos na shipment ng shabu galing sa China.

Ayon kay Taguba, January 11, 2017 nang nagtext sa kanya ang isang tita Nani at sinabi na pupunta siya ng Davao para makilala ang Small at Jack ng Davao Group at doon siya nagbigay ng pera.


Simula noon ay weekly na ang bigay ni Taguba sa umanoy Davao Group na nagkakahalaga ng 10,000 pesos bawat container.

Ang tara o salaping yan, ayon kay Mark, ay para hindi maalerto ang lahat ng kanyang shipment at para din mababang buwis lang din ang ipataw sa mga kargamento niya.

Ayon kay Taguba, hindi niya na-meet doon is Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Si Small, na ayon kay Senator Antonio Trillanes IV ay si Davao Councilor Nilo Abellera, ay hindi dumating sa pagdinig, mayroon siyang liham sa komite na nagsasabi na dumaranas siya ng uncontrolled hypertension.

Sa hearing ay hindi naman masabi ni Taguba ang buong pangalan ni Jack, pati ang full name ni tita Nani ay hindi rin alam ni Taguba.

Nagpahayag naman ng matinding pagdududa si Committee Chairman Senator Richard Gordon na hindi talaga alam ni Taguba ang full name ni tita Nani.

Humarap din sa pagdinig ngayon sina Hernani Co, Chief of Auction Division ng BOC at Lourdes Rosario ng Imports and Assessment Service Section ng BOC.

Pero ayon kay Taguba, wala sa kanila ang tita Nani na siyang naging kontak niya at binibigyan ng tara para sa Davao Group.

Sa pagdinig ay binanggit din ni Taguba na ipinakilala din siya nina Jack at tita Nani sa ikatlong grupo na kinabibilangan ng isang Noel at big brother na si General Alen Capuyan ng PMA Class 83.

Sab ni Taguba, tumutulong din ang nasabing grupo para hindi ma-alert sa Customs ang kanyang mga shipment.

Sa hearing ay binanggit din ni Taguba ang isang Jojo Bacod na ipinakilala daw ng kanyang ama ay binibgyan din niya ng 5,000 pesos per container para makalusot sa Customs ang lahat ng kanyang shipment.

Ang nasabing Jojo Bacod, ayon kay Taguba ay nagpakilalang konektado sa Special Studies and Project Development Committee ng Customs (SSPDC) na pinamumunuan ni James Layug.

Pero mariing itinanggi ni Layug at iba pang Customs officials na kilala nila si Jojo Bacud, wala din daw ito sa record ng ahensya.

Facebook Comments