
Nag-ikot ang Department of Agriculture (DA) katuwang ang Food Terminal Incorporated (FTI) at Philippine National Police (PNP) sa Mega Q-Mart sa Quezon City ngayong umaga.
Bahagi ito ng kanilang supply at price monitoring sa mga pangunahing bilihin sa palengke.
Layunin ng isinagawang inspeksyon ay matiyak kung sumusunod ba ang mga nagtitinda sa mga tamang presyo ng iba’t ibang produkto.
Pinangunahan ni DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra ang pag-iinspeksyon kasama sina FTI President at CEO Joseph Lo at PNP Chief of Directorial Staff Lt. Gen. Edgar Alan Okubo.
Unang inikot ng DA, FTI, at PNP ang bilihan ng karneng baboy kung saan nakita na nakasunod sa maximum suggeated retail price ang ibinibentang kasim sa P330 at P370 naman sa liempo ang kada kilo.
Pero, duda si Asec. Guevarra sa mga nakapaskil na karatula sa mga tindahan dahil may ilang nagsasabi na may iilang nagbebenta na nahihirapan na maipasok ang presyo sa SRP ng baboy.
Ang presyo naman ng manok ang nasa P190 ang kilo kung saan maituturing pa rin itong mababa sa ngayon.
Samantala, dawang tindera ng gulay ang naisyuhan ng notice to explain dahil hindi umano nito pagsunod sa itinakdang MSRP para sa imported na pulang sibuyas na may halagang P150 kada kilo kung saan P180 hanggang P200 ang kanilang benta sa kada kilo.








