Ikinatuwa ng Department of Agriculture (DA) ang ginawang paglilinaw sa Kongreso ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang iregularidad sa naging pagbili ng fertilizer na ipinamahagi sa mga magsasaka sa panahon ng pandemya.
Sa virtual presser sa DA, nagpasalamat si Assistant Secertary Noel Reyes sa Pangulo sa pagpawi sa mga hinala na may anomalya sa procurement ng mga fertilizer.
Sa kaniyang 14th report hinggil sa naging paghawak ng gobyerno sa COVID-19, pinuri ng Pangulo ang DA dahil mas naging mahusay ang sistema ng distribusyon nito ng fertilizer kung ikukumpara sa nagdaang administrasyon.
Ito’y sa dahilang gumamit ang ahensya ng geo-tagging, pag- post ng pangalan ng lahat ng recipients, may system digitization, at ang pagkakaroon ng ‘integrity group’ sa bidding process.
Muling iginiit ng DA na patas at naging bukas sa publiko ang bidding na kanilang isinagawa.
Sa katunayan, sinabi ni Reyes na nagkaroon ng downward trend sa retail prices ng Urea fertilizer.
Ang awarded bidding price na mula P900 hanggang P995 per bag ay mas mura kung ikukumpara sa national average price ng Urea fertilizer na nasa P1,051 per bag.