
Inilabas ng Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang bagong panuntunan upang mapalakas ang proteksyon ng bansa laban sa African Swine Fever (ASF) at matiyak ang ligtas na pag-aangkat ng karneng baboy sa ilalim ng Administrative Circular No. 12.
Kung saan bahagi ito ng kanilang national zoning plan para sa ASF recovery at safe trade ayon sa kalihim.
Ipinatutupad sa naturang order ang regionalization ng ASF na kumikilala sa mga ASF-free zones sa loob ng mga bansang pinayagang mag-export batay sa World Organisation for Animal Health standards.
Tanging bansa na may Department of Agriculture (DA) accredited lamang ang pinapayagang mag-apply para sa ASF-free recognition kung saan daraan ito sa anim na buwang technical review ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Sinisiguro naman ng DA na ang bagong guidelines ay nagbabalangkas ng balanseng food security at mahigpit na biosecurity na may layuning maprotektahan ang mga lokal na magbababoy habang napapanatili ang ligtas at makatarungang kalakalan.









