
Nagpatupad ng temporary import ban ang Department of Agriculture (DA) sa domestic at wild birds, gayundin sa mga poultry products mula sa South Dakota sa Estados Unidos matapos ang pagkalat ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI).
Kabilang sa mga ipinagbabawal na angkatin ay mga domestic at wild na mga ibon, kabilang na ang itlog at semilya para sa artificial insemination, day-old na mga sisiw, at ibang poultry products.
Kasunod ito ng pagkumpirma ng National Veterinary Services Laboratories (NVSL) sa Estados Unidos ng pagkalat ng H5N1 Avian Influenza noong December 17 sa South Dakota na nakaapekto sa kanilang mga alagang ibon.
Bilang agarang hakbang, naglabas si Secretary Tiu Laurel ng Memorandum Order no. 04 na nag-aatas sa Bureau of Animal Industry (BAI) na suspendihin ang pagproseso at pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearances sa importasyon ng domestic at wild birds mula sa South Dakota.
Inatasan din ng kalihim ang lahat ng veterinary quarantine officers at inspectors sa buong bansa na kumpiskahin ang mga kalakal na inangkat mula sa South Dakota, maliban sa mga nasa biyahe na o nakarating na sa mga lokal na pantalan matapos mailabas ang kautusan.
Para naman sa poultry products, dapat kinatay ito bago November 13, 2024. Ang mga heat-treated na mga produkto ay exempted sa import ban.









