
Kumpiyansa si Senator Risa Hontiveros na walang magiging epekto sa inihaing substitute bill ng kontrobersyal na Prevention of Adolescent Pregnancy Bill ang pagbawi ng lagda ng ilang mga senador sa Committee report nito.
Kahapon ay inihain din agad ni Hontiveros ang substitute bill ng panukala kung saan tinugunan niya ang ilan sa mga probisyon na naging sentro ng isyu nitong mga nagdaang linggo.
Tiwala ang mambabatas na walang epekto sa pagbawi ng suporta ng ilang mga senador ang inilatag niyang mga amyenda na nakapaloob sa Senate Bill 1979.
Sa kanya umanong pagkakaunawa, ang substitute bill ay nasa plenaryo na para sa interpellation at pag-amyenda at anumang pagkwestyon o objection sa probisyon ng panukala ay dapat sa plenaryo na gagawin.
Ito ay dahil ang committee report ng SB 1979 ay nai-report na sa plenaryo at naisponsoran na kaya hinihintay na lamang ang period of interpellation at amendments ng panukala.
Tiniyak din ni Hontiveros na pasok na rin sa substitute bill ang mga amyendang iminungkahi ni Senate President Chiz Escudero.
Kabilang sa mga amyenda ang pagtanggal sa katagang “guided by international standards”, paglilimita sa comprehensive sexuality education, paglilimita sa access sa contraceptives na walang parental consent, konsultasyon sa mga magulang, pag-alis sa Comprehensive Sexuality Education (CSE) bilang requirement sa accreditation ng mga private schools at pagbibigay garantiya sa academic at religious freedom.