DA-PHILRICE ISABELA, NAGBIGAY NG BABALA SA MGA MAGSASAKA

Cauayan City – Nagbigay ng babala ang mga eksperto sa agrikultura ukol sa maling impormasyon na kumakalat tungkol sa pagputol ng dahon ng punla bago ito itanim.

Ayon sa mga awtoridad, hindi totoo ang sinasabi ng ilang tao na makakatulong ang hakbang na ito upang mapabilis ang paglaki ng palay dahil ang pagputol ng dahon ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng mga halaman.

Pinag-alaman na ang mga punlang pinutulan ng dahon ay mas madaling kapitan ng mga organismo na nagdadala ng mga sakit, tulad ng bacterial leaf blight.


Ang sakit na ito ay isang uri ng bacterial infection na mabilis kumalat at nakakaapekto sa mga pananim, na nagiging sanhi ng pagkasira at mababang ani, kaya’t mahalaga na sundin ang tamang pamamaraan ng pag-aalaga sa mga punla upang maiwasan ang mga ganitong uri ng problema.

Sa halip, ang tamang pangangalaga at wastong pagsasanay sa mga teknolohiya sa pagtatanim ay mas nakakatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng ani at sa paglaban sa mga peste at sakit na maaaring sumira sa mga pananim.

Samantala, ipinayo ng mga eksperto sa agrikultura ang pagpapakalat ng tamang impormasyon sa mga magsasaka upang maiwasan ang mga maling hakbang na maaaring magdulot ng malaking perwisyo sa kanilang mga taniman.

Facebook Comments