
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na posibleng may nasa 100 kilo pang shabu ang nahulog mula sa speedboat na sumadsad sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Remulla, karaniwang ibinabagsak ang mga ilegal na droga sa high seas area, kung saan mula sa malalaking barko ay inililipat ito sa mga speedboat bago idini- distribute sa mainland.
Naniniwala rin ang DILG na isang malaking foreign syndicate ang nasa likod ng nasabat na ilegal na droga.
Dagdag pa ni Remulla, batay sa markings ng packaging, posibleng ginawa ang mga ito sa Vietnam, ngunit patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan nito.
Nabatid na apat na katao na ang naaresto ng mga awtoridad, kabilang ang dalawang Chinese national.
Samantala, may isa pang babaeng Chinese national na at large pa rin, na umano’y nagrenta ng bahay para sa dalawang dayuhan, bumili ng bangka, at nag-utos sa dalawang Pilipinong naaresto upang hanapin ang mga dayuhang sakay ng sumadsad na speedboat.










