Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi kakapusin ang supply ng baboy sa bansa.
Ito ay sa kabila ng pagpapatupad ng temporary ban sa pag-aangkat ng pork products mula sa Germany bunsod ng African Swine Fever (ASF).
Sa interview ng RMN Manila kay Agriculture Secretary William Dar, patuloy pa rin ang pag-aangkat ng baboy sa ibang mga bansang walang ASF contamination.
Bukod dito, palalakasin din o magkakaroon ng restocking ang hog industry sa mga lalawigan sa bansa na hindi apektado ng ASF.
Bagama’t aminado si Dar na apektado ang presyuhan dahil sa limitadong supply ng baboy sa merkado, iminungkahi niya sa publiko na maghanap muna ng ibang mapagkukunan ng protina tulad ng manok.
Sinabi ni Dar na malaki ang naitulong ng pagpapatupad ng community quarantine sa pagkontrol ng biyahe ng mga baboy.
Aniya, kung walang lockdown at checkpoints ay mabilis na kakalat ang ASF sa iba pang lalawigan sa bansa dahil sa pagbiyahe ng mga apektadong baboy.
Sa ngayon, aabot na sa 300,000 baboy na ang kinatay sa bansa dahil sa ASF.