Suportado ng Department of Agriculture (DA) ang rekomendasyon ng Kongreso na ibigay bilang financial assistance sa mga magsasaka at mangingisda ang sobrang makokolektang taripa sa importasyon ng bigas.
Sa virtual presser sa DA, naniniwala si Undersecretary for Policy and Planning Rodolfo Vicerra na katulad ng ibang benepisyaryo sa urban areas, marapat ding mabigyan ng ayudang pinansiyal ang sektor na mismong nagpapakain sa mamamayan ng bansa.
Sakaling makalikha ng batas ukol dito ang Kongreso, may anim na bilyong pisong sobra sa nalikom na buwis mula 2019 hanggang 2020 batay sa record ng Bureau of Customs, ang maaring ipamigay sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Kabilang sa mga makatatanggap ng financial assistance ay ang mga magsasaka na nagsasaka ng dalawang ektaryang lupang sakahan pababa.
Sa pagtaya ng DA, aabot sa mga 1.5-M na magsasaka at mangingisda ang magbebenepisyo sa ibibigay na financial assistance.
Gayunman, ani Vicerra, sa panahon lang ng pandemya maaring makahugot ng bahagi sa buwis na nakukuha sa ilalim ng Rice Tarrification Law.
Natukoy na raw kasi ang paglalaanan ng naturang pondo katulad ng mechanization component at pagbili ng mga binhi at pataba sa lupa.