Cauayan City, Isabela- Muling nakasabat ng halos 300 kilos ng karne ng baboy ang City of Agriculture Office (CAO) ng City of Ilagan sa inilatag nilang checkpoint partikular sa papasok na bahagi ng Lungsod.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Moises Alamo, City Agriculturist Officer ng Ilagan, umaabot sa 300 kilos ng karne ng baboy na isinilid sa tatlong sako ang nakumpiska ng mga otoridad na walang mga kaukulang permit o dokumento mula sa meat inspector para ibiyahe ang mga ito.
Ang mga nasabat na karne ng baboy ay isinakay sa isang pampasaherong bus na nakatakda sanang dalhin sa lungsod ng Tuguegarao.
Dahil dito, mahigpit pa rin ang direktiba ni Mayor Jay Diaz sa pag- total ban sa lahat ng ipapasok na karne at produkto nito sa kanyang nasasakupan.
Lalo din pinaigting sa Lungsod ang pagbabantay sa checkpoint upang walang makalusot na karne ng baboy at frozen products na maaring nagtataglay ng sakit na African Swine Fever (ASF).
Magugunita na una nang nakasabat ng halos 80 boxes na mga frozen products ang Task Force ASF ng pamahalaang Lungsod ng Ilagan na ibinalik din sa Kalakhang Maynila habang ang iba naman ay ibinaon na sa kanilang sanitary landfill dahil nangangamoy na.
Muli namang nagpaalala si Mayor Diaz na wala silang sasantuhin sa mga nagbabalak na magpuslit ng karne ng baboy at frozen products sa kanilang lungsod upang makaiwas sa kumakalat na ASF.