DAGAMI Cordon Chapter, Tutol sa Pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill

Cauayan City, Isabela- Masidhi ang pagtutol ng grupo ng DAGAMI Cordon Chapter sa paglagda ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Ben Cardenas, pinuno ng DAGAMI Cordon Chapter, kanilang kinokontra ang pagsasabatas sa Anti-terror Bill dahil magsisilbi lamang aniya ito na dagdag kapangyarihan ng mga otoridad para abusuhin ang mamamayang Pilipino gaya sa karapatan ng mga magsasaka na ipaglaban ang kanilang sinasakang lupa.

Kanyang sinabi na minadali ang pagpasa sa naturang batas at isiningit pa ito sa kabila ng nararanasang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.


Hindi aniya ito naniniwala sa layunin ng naturang batas na tanging mga terorista o mga naghahasik ng lagim lamang ang kanilang huhulihin at hindi sakop ang mga aktibista o mga nagsasagawa ng rally.

Nangangamba aniya ito sa naturang batas dahil posibleng kabilang sila sa mga puntirya ng mga otoridad lalo‘t lumaganap na aniya ang ‘red tagging’ sa rehiyon dos na kabilang umano ang kanilang grupo sa mga suporter at recruiter ng NPA.

Idinepensa ni Ginoong Cardenas na hindi terorismo ang kanilang ginagawang adbokasiya na tulungan ang mga magsasaka na ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa.

Mayroon aniyang layunin ang kanilang grupo na tumulong sa panahon ng sakuna o kalamidad gaya ng pagsasagawa ng relief operations at pagtulong sa mga barangay lalo na sa mga magsasaka.

Kung mayroon man aniyang mga kasapi ng DAGAMI na namumundok o nagrerebelde ay hindi na nila ito kontrol dahil tanging ang kanilang adbokasiya lamang ang kanilang ginagawa.

Mas mainam sana aniya na pagtuunan ng gobyerno ang pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino gaya ng mga magsasaka.

Mensahe nito sa publiko na huwag matakot kumilos na itama ang pagkakamali ng gobyerno at hinihikayat na huwag padadala sa takot dahil mas maganda aniyang mamatay na may ipinaglalaban kaysa mamatay sa gutom.

Facebook Comments