Cauayan City, Isabela-Ipinaliwanag ni MGen. Pablo Lorenzo, Commanding Officer ng 5th Infantry Star Division, Philippine Army na maaari pa ring ipahayag ng sinuman ang kanilang karapatan taliwas sa mga grupong nagsasabing masisikil ang ‘Freedom of Expression’ o malayang pagpapahayag ng saloobin.
Ito ay matapos maipasa sa kongreso ang ‘Anti-Terror Bill’ na layong mapangalagaan ang seguridad ng publiko laban sa terorismo.
Ayon kay MGen. Lorenzo, hindi sumasalamin ang nasabing batas sa isyu ng Martial Law dahil malaki aniya ang kaibahan nito kumpara sa kakasabatas laban sa terorismo.
Pinuna rin ni Lorenzo ang ilang grupo gaya ng Kabataan Partylist, Anak-Bayan at iba pang grupo na patuloy na nagpoprotesta laban sa pamahalaan na gumagawa ng pagmamanipula at panlilinlang sa taumbayan.
Kasabay ng paglipana ng mga isyu ng paghikayat sa mga inosenteng tao ay ipinunto ni MGen.Lorenzo na isa ang Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley (DAGAMI) na pinamumunuan ni Cita Managuelod ang nasa likod ng umano’y patuloy na panlilinlang sa mga tao.
Giit pa ng opisyal, inutusan umano ni Managuelod si Ka Leslie na makiisa sa pagiging NPA hanggang sa napabalitang isa na itong supply officer ng grupo.
Pinaalalahanan naman ni MGen. Lorenzo ang publiko na panahon na para iwaksi ang presensya ng mga rebeldeng grupo na patuloy na sumisikil ng mga karapatan ng isang indibidwal.