Dagdag benepisyo sa mga agricultural worker, pinapaaprubahan agad sa Kamara

Ipinanawagan ni AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin ang agad na pagpapatibay sa panukala na magbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga agricultural workers.

Ang House Bill 3371 o Magna Carta of Agricultural Development Workers na inihain ng lady solon ay nakabinbin magmula pa noong nakaraang taon sa Committee on Agriculture and Food.

Sa ilalim ng panukala, layunin nito na palakasin ang karapatan ng mga agricultural development workers sa pamamagitan ng dagdag na benepisyo, salary adjustment o pagtaas sa sweldo, tamang oras ng trabaho at iba pang insentibo.


Sakop ng agricultural development worker ang mga aqua culturists, veterinarians, agricultural engineers, nutritionists, agricultural extension workers, agricultural technicians and operators, gayundin ang mga allied agricultural professionals, administrative at support personnel anuman ang kanilang employment status.

Batay aniya sa 2015 Philippine Social Protection Note na inilathala ng World Bank, ang mga rural workers at agricultural laborers ang mayorya sa mga pinakamahihirap sa bansa.

Tinukoy pa ni Garin na marami sanang magagaling na agricultural workers sa bansa ngunit napipilitan naman ang mga ito na mag-abroad bunsod nang maliit na oportunidad na ibinibigay sa kanila dito.

Kapansin-pansin din aniya ang pagbaba ng mga agricultural workers sa Pilipinas batay sa tala ng PSA, mula sa 39.5% noong 1998, 35.7% noong 2016 at 25% na lamang noong 2018.

Facebook Comments