Hiniling nina Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at Senator Christopher “Bong” Go na amyendahan ang Solo Parents Welfare Act of 2000 upang palawakin pa ang benepisyo at prebilehiyo ng nagsosolong ama o ina sa kani-kanilang mga anak.
Diin ni Revilla, naisabatas ito 20 taon na ang nakakaraan at hindi na akma sa kasalukuyang pangangailangan ng milyun-milyong ‘Naytay’ o single parents sa bansa.
Nais ni Revilla na maipaloob sa batas ang mga dagdag prebilehiyo para sa solo parents kabilang na ang diskuwento sa bilihin at iba pang serbisyo.
Sa panukala naman ni Senator Go, ay nais niyang madagdag sa benepisyo ng isang solo parents ang discount sa pagbili ng gatas, pagkain at gamot, at discount sa tuition fee sa public at private school.
Giit ni Go, nararapat lang na matulungan ang mga solo parents sa pagtataguyod sa kanilang mga anak at mapatatag ang kanilang pamilya upang maging mas produktibong miyembro ng lipunan.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Go ang mga kapwa senador na ipasa ang panukala bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address o SONA na nagpapakita ng malasakit sa mga solong nagtataguyod sa kanilang mga anak.