Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) sa Kamara na kasama ang volunteer poll workers na magsisilbi sa 2022 elections sa mapopondohan para sa dagdag na benepisyo.
Sa plenary deliberation ng panukalang pondo ng poll body, sinabi ni Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II na makapagbibigay ng P2,000 across the board na dagdag sa honorarium ang COMELEC para sa volunteer poll workers na huhugutin sa mahigit P7 billion na pondo ng “other professional services budget”.
Mayroon ding 10-day service credit para sa mga gurong magboboluntaryo para magserbisyo ngayong halalan.
Humirit naman si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kung maaaring dagdagan din ang transportation, meal allowance at hazard pay ng poll workers.
Sa hirit na dagdag hazard pay, P10,000 para sa Chairperson ng Electoral Boards, P9,000 para sa members, P8,000 sa Department of Education o DepEd Supervisor Officials, at P7,000 para sa support staff.
P3,000 hanggang P5,000 naman ang hiling na travel allowance habang P2,500 naman sa meal allowance.
Nangako naman si Matugas na susubukang hanapan ng karagdagang pondo ang hiling ng kinatawan.