Manila, Philippines – Sa darating na January 2019 ay makakamit ng mga pulis at iba pang nasa uniformed service ang ikalawang bugso ng malaking dagdag sa kanilang sweldo.
Bunsod nito ay umaasa si Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Panfilo Ping Lacson na dahil sa muling pagtaas ng sweldo at dagdag na mga benepisyo ay mawawala na sa pambansang pulisya ang mga abusado at mga tiwali tulad ng mga kotong cops.
Bilang dati ring hepe ng Philippine National Police (PNP) ay iginiit ni Lacson sa mga pulis na pahalagahan ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay proteksyon at paglilingkod sa mamamayan.
Giit ni Lacson, dapat lang tumino ang mga pulis bilang pasasalamat na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte na nanguna sa pagsusulong na maipasa ang kinakailangang lehislasyon para sa kapakanan ng mga sundalo at pulis.
Ayon kay Lacson, dapat mabaon sa isipan ng mga pulis at lahat ng nasa uniformed service ang lahat ng nagmula sa pamahalaan o sa buwis ng mamamayan na ibinigay sa kanila mula sa pagiging kadete hanggang sa sila ay magretiro.