Patuloy na pinaghahandaan ng Public Order and Safety Office o POSO Dagupan ang inaasahang dagsa ng maraming tao sa lungsod ng Dagupan sa paparating na Undas.
Kaakibat ng dami ng tao, inaasahan din ang magiging masikip na daloy ng trapiko sa mga kalsada na papunta sa mga sementeryo.
Ayon kay POSO Dagupan Radio operator and Deployment head na si Ronnie Toralba, kabilang sa kanilang mga babantayan ang mga kakalsadahan ng AB Fernandez West, Burgos St, at iba pang kalsada na papunta sa mga sementeryo.
Dagdag ni Toralba, magtatalaga ng mga traffic enforcer sa mga nasabing lugar upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko
Bukod dito, magpapatupad din umano ng “one way system” kung saan magka-iba o magkahiwalay ang entry at exit points ng mga sementeryo.
Samantala, patuloy pang binubuo ang rerouting plan ng mga kakalsadahan na nakatakdang ipatupad mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1 upang maging maayos ang daloy ng trapiko.
Hiling naman nila sa mga nagnanais na dumalaw sa kanilang mga yumao na gumamit na lamang ng pampublikong sasakyan upang maiwasan na maipit at makadagdag sa trapiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










