Naghahanda na ang Pantrans Cooperative sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong papalapit na ang Undas.
Tiniyak ng ilang terminal ng bus tulad ng Pantrans Cooperative, kasama ang mga drayber, konduktor, at terminal manager, na magiging ligtas at maayos ang biyahe ng mga pasaherong inaasahang dadagsa sa paggunita ng Undas.
Ayon sa panayam ng IFM Dagupan kay Leonardo de Guzman, terminal manager ng Pantrans Cooperative, isang linggo na silang naghahanda para sa maintenance ng mga bus.
Inihahanda na rin ng kooperatiba ang posibleng pagdaragdag ng mga bus sakaling hindi sapat ang bilang ng mga sasakyan upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasaherong umaasa sa kanilang serbisyo.
Bilang bahagi ng paghahanda, muling isinailalim sa inspeksyon ang mga bus upang matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga ito at ligtas na makapagsakay ng mga pasahero.
Tiniyak din ng kooperatiba na walang magiging dagdag-pasahe at mananatiling pareho ang mga ruta sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Nobyembre 1. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










