Manila, Philippines – Mahigit apat na pung indibidwal ang naaresto ng mga awtoridad kasunod ng ikinasang SACLEO o Simultaneous Anti-Criminality Operation sa iba’t-ibang lugar sa Lungsod ng Maynila.
Kabilang sa mga naaresto ang halos dalawampu katao na naaktuhang umiinom ng alak sa ilang kalye sa Sampaloc na kinabibilangan ng M. Dela Fuente St., Fajardo St., Loyola St., Sisa St. at P. Noval St.
Sa operasyon ng Raxabago Police Station 1, hinuli rin ang walong lalaki rin na nag-iinuman sa tatlong kalye sa Brgy. 133 at Brgy. 95.
Inaresto naman ng mga operatiba ng Moriones -Tondo Police Station ang pitong kalalakihan makaraang maabutan din ng mga mga tauhan ng MPD habang umiinom ng alak sa Luzon Street kanto Masangkay Street Tondo Manila.
Maliban dito, siyam na indibidwal din ang dinampot sa ilang lugar sa Sta. Cruz bunga pa rin ng paglabag sa ordinansa ng lungsod.
Dinampot din ng mga pulis ang tatlong construction workers dahil naman sa pagsusugal sa Sta. Ana Manila.
Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo , bahagi pa rin ito ng pinaigting na kampanya ng MPD laban sa kriminalidad.
Aasahan na umano na mas marami pang mahuhuli sa mga susunod na araw dahil nagbabala ang MPD na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon hangga’t hindi natututo at hindi sumusunod sa mga Ordinansa at batas ang mga mamamayan sa Lungsod ng Manila.