Muling isinusulong sa Kongreso ang panukalang naglalayon na bigyan ng 14th month pay ang mga empleyado sa pribadong sektor at gobyerno.
Sa ilalim ng House Bill No. 6198 na inihain ni ACT-CIS Rep. Eric Yap, matatanggap ng mga manggagawa ang 13th month pay nang hindi lalagpas sa ika-31 ng Mayo habang sa ika-15 ng Nobyembre ipagkakaloob ang 14th month pay.
Ayon sa kongresista, kailangan dagdagan ang kumpensasyon ng mga trabahante lalo na at patuloy ang pagtaas ng mga bilihin sa merkado.
Aniya, hindi sapat ang buwang suweldo at 13th month pay na nakukuha ng mga empleyado para tustusan ang araw-araw na pangangailangan.
“Tuwing Pasko, maraming gastos kaya ubos na rin agad ang 13th Month Pay na kanilang natatanggap. Paano naman ang ibang bayarin sa ibang buwan?,” dagdag ni Yap.
Dapat maipasa na rin ang naturang panukala upang masigurong walang kawala ang mga kompanya, pampubliko o pribado man sektor, sa pagbibigay ng additional mandatory bonus.