Dalagita sa Afghanistan, pinagbabaril ang mga taong pumatay sa kanyang mga magulang

(Source: Twitter)

AFGHANISTAN – Isang bayani kung ituring ngayon ang 16-anyos na babae matapos nitong pagbabarilin ang dalawa sa Taliban fighters na pumatay sa kanyang mga magulang dahil sa pagsuporta umano ng mga ito sa gobyerno.

Ayon sa ulat ng mga opisyal sa The Guardian, nasa 40 Taliban fighters ang sumugod sa isang pamilyang naninirahan sa Ghor province. (Taliban– grupo ng mga relihiyosong estudyante sa traditional Islamic schools sa Pakistan)

Kasama ng dalagitang si Qamar Gul ang kanyang mag magulang gayundin ang kapatid niyang lalaki nang may kumatok umano sa kanilang bahay dakong ala 1:00 ng madaling araw.


Nang silipin daw ito ng nanay, napansin niya ang mga armadong lalaki kaya nagdalawang-isip itong buksan ang pinto.

Ngunit mabilis daw na inatake ng mga ito ang nanay ni Gul saka pinagbabaril.

Sunod nilang kinitil ang tatay ni Gul, ang puno ng kanilang lugar at naiulat na government supporter– bagay na hindi binalewala ng dalagita na walang takot na sumabak sa laban.

Gamit ang AK-47 na baril ng kanilang pamilya, nagpaulan ng bala si Gul na tumama sa dalawang Taliban fighters na pumatay sa kanyang mga magulang.

Sugatan din ang mga kasamahan ng dalawa.

Kinalaunan ay tatlo ang naiulat na namatay mula sa pamamaril ni Gul, dahilan para muling sumugod ang ilang miyembro ng grupo.

Sa tulong ng mga residente at gobyerno, nailigtas si Gul at ang kapatid nitong lalaki.

Dinala sila sa mas ligtas na lugar matapos ma-trauma at hindi makapagsalita ng ilang araw dahil sa nangyari.

Kumalat sa social media ang kabayanihan ng dalagita na hinangaan ng maraming Facebook users.

Facebook Comments