Dalawa, patay sa pamamaril sa isang milktea shop sa San Jose del Monte Bulacan; suspek, tukoy na ng pulisya

Patay ang dalawang lalaki matapos barilin sa isang milktea shop sa Barangay Paradise 3, San Jose del Monte, Bulucan.

Ang mga biktima, pawang nasa 20 at 23 anyos.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Jose del Monte Police, naka-upo at kumakain ang dalawang biktima sa nasabing tindahan nang bigla silang lapitan ng suspek at tsaka ito binaril na agad ding umalis.

Dead-on-the spot ang isa sa mga biktima habang sinubukan pang dalhin sa ospital ang isa pang biktima ngunit idineklara itong dead-on-arrival matapos na parehong magtamo ng tama sa ulo.

Samantala, narekober naman sa lugar ng insidente ang dalawang basyo ng bala na pinaniniwalaang nagmula sa kalibre .45 na baril.

Napag-alaman naman na kilala sa naturang lugar ang suspek na nakatulong na malaman ang pagkakakilanlan nito.

Sa paunang backtracking ng CCTV ng pulisya, nagkaroon ng away sa pagitan ng mga sangkot sa insidente bago magsimula ang nangyaring pamamaril.

Sa ngayon ay patuloy ang manhunt operations at backtracking ng mga CCTV upang tuluyang matugis ang suspek na kasalukuyang at-large.

Facebook Comments