DALAWANG BAR SA DAGUPAN CITY NA WALANG KAUKULANG PERMIT, ILIGAL NA NAG-OOPERATE

Dalawang nightlife at recreational establishment sa Dagupan City ang patuloy na nag-ooperate kahit wala umanong business permit, ayon sa lumabas sa isinagawang committee hearing ng Sangguniang Panglungsod nitong Setyembre 9, 2026.
‎

‎Tinalakay sa pagdinig ang Draft Ordinance No. 0-055-2026, na naglalayong i-regulate ang operasyon ng nightlife at recreational establishments sa lungsod.
‎
‎
Sa pangunguna ni City Councilor Michael Fernandez, pinag-usapan sa hearing ang mga kinakailangang dokumento at requirements na dapat matugunan ng mga nightlife at recreational establishment bago sila payagang magbukas at mag-operate sa publiko.
‎
‎
‎Samantala, iginiit naman ni Councilor Marcelino Fernandez na maaaring magkaroon ng domino effect ang patuloy na operasyon ng mga establisyimentong walang permit, lalo na sa mga negosyanteng sumusunod sa mga itinakdang requirements ng lungsod.

‎Batay sa pagdinig, halos siyam na buwan nang walang permit ang dalawang negosyo, ngunit nananatili pa rin silang bukas at operational sa publiko.
‎

‎Ayon sa mga tinalakay sa hearing, hindi umano agad namomonitor ang mga ganitong establisyimento sa isinagawang tax mapping dahil karaniwang gabi lamang sila nagsasagawa ng operasyon.
‎

‎Bilang hakbang upang matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon, iminungkahi sa pagdinig ang pagpapatupad ng closure sa mga establishment na hindi makasusunod sa loob ng isang buwan.
‎

‎Layunin nitong mapanatili ang kaayusan, matiyak ang pagsunod sa mga umiiral na ordinansa, at maprotektahan ang kaligtasan ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments