Iniulat ng Philippine Ports Authority (PPA) na dalawang barko ang sumadsad sa pantalan ng Batangas sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Kristine.
Sa Malacañang press brieifing, sinabi ni PPA Assistant General Manager Atty. Mark Jon Palomar, na batay sa inisyal na imbestigasyon, ang isang barko na Super Shuttle 2 ay kumalas sa pagkakaangkla.
Pero nang pasukin nila ang barko ay wala na ang kapitan nito, na maituturing umanong paglabag sa kanilang regulasyon.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at pinag-aaralan pa kung may pananagutan ang kapitan oras na mapatutunayang inabandona niya ang barko.
Samantala, ang isang barko naman na Cassandra Vessel ay nasa kustodiya ng Bureau of Customs matapos itong kumpiskahin noong nakaraang linggo.
Dahil sa paparating na bagyo ay hiniling na ito ay mailipat ng lokasyon ngunit hindi umano ito nasunod at natuklasang “unmanned” o wala nang tao sa barko.