Lal-lo, Cagayan – Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng PnP Lal-lo at PDEA Region 2 ang dalawang katao na sangkot sa droga na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa isinagawang magkasunod na operasyon ng mga awtoridad sa naturang lugar.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Eugene Mallillin, hepe ng PNP Lal-lo, unang nahuli sa pamamagitan ng buy bust operation si Ferdinand Del Rosario sa Barangay Magapit, samantalang naaresto naman si Agustin Balisi dahil sa pag iingat ng hinihinalang droga matapos isilbi ang search warrant na ipinalabas ng MTC Lallo. Narekober sa bahay ni Balisi ang anim na pakete ng pinaniniwalaang shabu sa Barangay San Jose, Lal-lo Cagayan.
Inihayag pa ni Police Chief Inspector Mallillin na dating sangkot sa pagbebenta ng droga si Balisi at nasampahan ng kaukulang kaso taong 2013 subalit nakalusot ito matapos mapawalang sala dahil sa teknikalidad sa kasong naisampa laban dito.
Samantalang si Del Rosario ay sumuko naman noong nakaraang taon sa oplan tokhang subalit hindi sumailalim sa CBRP ng PNP at bumalik ito sa pagtututlak ng drog.
Ang dalawa ay sinasabing nasa narco list ng Pangulong Duterte at ngayon ay muling nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.